Sunday, August 10, 2014

Si Tatay

Photo Credit: Shutterstock


"Ang bawat bata sa ating mundo

Ay may pangalan may karapatan"


          Sa tuwing naririnig ko ang kantang ito kumikirot ang aking puso. Bakit ganun? Bagit ganito?

          Ang kabataan ko, ang kamusmusan ko. Wala akong maalala. Walang akong maalalang masayang araw sa amin ni Itay. Marahil ay hindi kami magkasundo.Marahil sa hindi ko naramdaman ang presensya niya.

          "Bakit ganun? Lagi na lang akong mali. Bakit ganun? Kapag lasing si Tatay laging ako ang napapagalitan. Bakit ganun? Lagi na lamang siya ang tama at kami ang mali. Bakit ganun? Nag-aalala lang naman kami sa kanya kaya namin siya pinagbabawalang manigarilyo at maglasing."

          Ang mga hinanakit kong ito kay Tatay ay nai-status ko na sa facebook. Lahat ng ito ay nakwento ko na sa mga kaibigan ko. Ngunit paulit-ulit ang kanilang payo sa akin. Intindihin ko daw si Tatay at baka may pinagdadaanan lang. Intindhin ko rin at baka may problema lamang na hindi masabisabi sa amin.

          Ngunit araw-araw ko namang iniintindi si Tatay. Kahit sa kabila ng pag-intindi ko sa kanya ay ako lamang ang nasasaktan. Kahit sa kabila ng lahat ay hindi ko naramdamang may tatay ako. Naiinggit pa nga ako sa mga kaibigan ko. Kasundo nila ang mga magulang nila. Kasama nila ang mga Tatay nila sa pamamasyal. Kalaro nila ng basketball ang tatay nila.

          Pero iba kami ni Tatay. Parehas kaming lalaki na hindi magkasundo. Parehas kaming matigas ang ulo. Siguro nga nagmana talaga ako sa kanya. Kung ganunman, dapat ay mahal niya ako. Ngunit hindi ko maramdaman iyon.

          Maraming beses na kaming nag-away, nagsigawan at nagkatampuhan. Ngunit kakaiba ang naging sumbat niya sa akin ng araw na iyon. Nakikita kong unti-unti tumutulo ang luha niya. Umiiyak siya habang sinasabing "Sana hindi na lamang lumaki ang mga anak ko." Ito ang unang pagkakataon natahimik ako at nakaramdam ng kirot sa aking puso.

          Lingid sa kaalaman ko, nagkaroon ng malubhang sakit si Tatay na naging dahilan na mawalan siya ng trabaho. Kahit pa man ganun ang nangyari, nagsumikap siya para maitaguyod ang aming pamilya at mapagtapos kami ng pag-aaral. Hindi ko man lang naisip ang mga sakrpisyo niya para sa amin.

          Sobrang naaawa ako kay Tatay. Hindi ko lubos maisip na mapapaiyak ko siya. Hindi ko sinasadya. Bakit ganun? Nagsisisi ako. Hindi ako nakinig sa payo ng mga kaibigan ko. Hindi ko man lang naisip ang mga paghihirap niya para sa amin. Hindi ko man lang naisip na minsan siyang pinagkaitang maging bata.

          Si Tatay na wala sa tabi ko dahil naghahanap ng trabaho para mabuhay kami. Si tatay na lagi akong napapagalitan dahil matigas ang ulo ko. Si Tatay na umiyak dahil sa akin. Si Tatay. Oo, ang tatay ko. Kahapon lamang ay umiyak siya, ngayon siya'y wala na.






Tara sa Divisoria!

          Ang Divisoria ay isa sa mga natatanging pasyalan at bilihan ng isang tulad ko na nagtitipid sa pera, naghahanap ng swak na produkto at pasok sa bulsa ang presyo. Tunay ngang bilihan ng masa kung maituturing ang lugar na ito.

          Sa loob ng apat na taon kung paninirahan sa Maynila, ay masasabi kong naikot ko na ang buong Divisoria. Simula sa simbahan ng Tondo, mga tindahan ng school supplies, tindahan ng mga damit, tindahan ng mga sapatos, sa may maliit na palengke, 168 Mall, Tutuban, 999 Mall at iba pa. Malamang kahit nakapikit ako habang nililibot ang Divi ay makakauwi ako sa bahay. Eh kasi naman apat na beses sa isang linggo ako dumadaan dito at dalawang beses sa isang linggo ako namamasyal dito.

          Ngunit sa muling pamamamasyal ko rito, may isang bagay akong natuklasan. Hindi pinakamurang bilihan ng damit o sapatos, hindi bagong stalls, hindi gwapo tindero at hindi magandang tindera kundi isang Police Station sa likod ng 168 Mall. Marahil hindi ko ito napansin dahil pamimili ng damit ang inaatupag ko. Paghahanap ng korean stalls ang karaniwang ginagawa ko. Pagsusukat ng sapatos, damit at pamimili ng bag na mura lang naman ang rason ko kapag nag Divi.

         At alam mo ba kung ano ang naiisip ko ngayon dahil sa natuklasan ko? Syempre, kapag naulit ang nangyaring pag snatch ng gamit sa akin, alam ko na kung saan may pinakamalapit na Police Station. Eh kasi naman noong nadukutan ako sa Divisoria hindi ko alam kung saan magpapa blotter. 

          Minsan napapaisip rin ako kung bakit sa loob ng apat na taong pabalik-balik ako ng Divisoria ay ngayon ko lamang natuklasan ang bagay na ito. Siguro ay dahil nasa likod nga ng 168 Mall ito at nasa liblib na lugar. Naiisip ko pa nga minsan na natatakot siguro magpakita ang mga pulis na ito sa publiko dahil tagong-tago yung opisina nila.

          Nais ko rin ipaalam sa inyo na may dalawa pang police station sa Divisoria. Yung isa malapit sa Tutuban Mall at yung isa naman ay malapit sa Reina Regente sa may footbridge. At huwag kalimutang mag-ingat palagi kung nais mong mamili sa Divisoria. Nakabili ka nga ng mura na salisihan ka naman. Kaya ingat!
           


Saturday, July 19, 2014

Mga Dapat at Hindi Dapat Gawin Para Makaiwas sa pandurukot at iba pa.

"Ako ang taong maingat sa gamit. Takot magasgasan ang mga bagong biling gadget. Takot magpahiram ng anumang gamit sa mga kaibigang alam kung burara. Overprotective? Oo. Ganyan akong klaseng tao. Dahil naniniwala ako na lahat ng meron ako ay dapat kong pahalagahan."

          Naranasan mo na rin bang sumakay ng jeep at madukutan? Naranasan mo na rin bang habang naglalakad ka ay biglang hinablot ang anumang gamit na dala mo? Naranasan mo na rin bang kinuha na nga lahat ng gamit mo, sinaktan ka pa?

          May mga kaklase ako o kakilalang na holdap, na snatch, nahablotan at kung ano-ano pang masamang nangyari sa kanila sa byahe. Ang lagi kong tanong sa kanila, ano ang pakiramdam? Nakakatakot ba? Alam ko nakakatawa ang mga tanong ko. Obvious naman di ba, nakakatakot lalo na kung mag-isa ka.

          Ngunit hindi ko lubos maisip na lahat ng katanungan ko sa kanila ay babalik sa akin. Yung tipong, ako na yung tatanungin ng mga kaibigan ko. Yung tipong sasabihin ng magulang ko na ayan pinaalalahan ka na namin ng maraming beses.

          Alam mo ba na kapag nandoon ka na sa eksenang yun ay hindi ka makakasigaw? Magugulat ka muna. Kung minsan pipilitin mong lumaban saka mo maiisip na walang gustong tumulong sa iyo at hindi mo na pala hawak ang pinakamamahal mong gadget. Bigla ka na lang iiyak. 

          Oo, nahablotan ako ng cp habang nasa jeep kagabi. Nahablot ang cp ko na kakabili ko lang at isang araw pa lang sa kamay ko. Nahablot ang cp ko na pinag-ipunan ko para lang mabili. Masakit pero mas nakakatakot dahil lagi mo ng maiisip na sa mismong lugar na yan ay hindi ka na safe. 

          Ano ba ang mga dapat gawin kapag mag-isa ka o kahit may kasama ka at may mga dala kang gadget?

1. Isipin mo lagi kung safe ba ang pagdadala mo ng gadget. Dahil may mga pagkakataon o may mga lugar na alam mo sa sarili mong hindi safe na magdala ng gadget lalong-lalo na sa DIVISORIA AT RECTO kung saan talamak ang mga taong masasama ang loob.

2. Habang nasa bahay ka pa lamang ay itago mo na lahat ng gadget sa bag mo. Etext o tawagan mo ang mga taong dapat mong kontakin na hindi mo na masasagot ang anumang tawag o text nila dahil babyahe ka na. 

3. Maghanda ka na rin ng pamasahe para hindi ka na magbubukas ng bag mo. Ilagay mo sa harap ang bag mo.

4. Huwag na huwag maglakad o mag hintay sa mga area na madilim kahit pa maraming tao. Basta madilim, wag ka doon kahit pa sabihing may pulis o taga MMDA o anumang mga opisyal na yan. Huwag kang umasa sa mga taong nasa paligid mo dahil almost 99.9% sa mga yan ay titingin lang at hindi sasaklolo sayo.

5. Maging alerto ka bago sumakay at sa pagpili ng mga dapat mong sakyan. Hindi maiaalis sa isip ng bawat isa sa atin na kung minsan ay may mga kasabwat din ang mga masasamang loob na yan. (either yung driver, yung katabi mo o yung mga opisyales)

6. Kapag napansin mong may kakaiba, bumaba ka kaagad sa sinasakyan mo. Huwag ka mag panic. Isipin mo na kailangan mong bumaba para maging ligtas. At isipin mo rin na yung bababaan mo ay napakaligtas na lugar. Kumbaga maliwanag, may mga ilaw, poste, maraming tao, may mga tindahan.

7. Habang nasa nakasakay ng jeep. Huwag na huwag maglalabas ng anumang gamit. Kahit pitaka mo pa. Nagmamasid lang ang mga masasamang loob na yan at tumityempo lang. 

8. Kapag hindi talaga maiwasan at biglang may nanghablot sayo. Kung alam mong hindi ka makasigaw at ni isa sa mga kasama mo sa jeep ay walang planong tumulong, please lang huwag ka ng lumaban lalong-lalo na kung babae ka at mag-isa ka lang. Mas importante ang buhay mo kaysa sa mga gadget na hawak-hawak mo.

9. Kahit gulat na gulat ka o sobrang takot at di makapag-isip ng maayos. Dapat rumehistro sa isip mo ang mukha, tangkad at suot ng nanghablot sayo. Tigilan mo ang pag-iyak. Hindi yan makakatulong. At hindi rin tutulong yang mga kasama mo o yung driver. Titingin lang mga yan at sisisihin ka dahil ang tanga mo.

10. Huwag mong kalimutang ipa-blotter ang nangyari sayo. Kahit alam nating malabong maaksyunan ito. Isipin mo na lang na sa pagpapa blotter mo ay mas dadami ang records ng mga pulis tungkol sa mga krimen na katulad nito. At mas magiging aware ang ibang tao na hindi pala safe ang lugar na ito. At dahil dito, pag-iigihan pa ng mga matitinong pulis ang pagbabantay sa lugar na ito. Mahirap man magtiwala sa mga pulis dahil sa records na meron sila. Pero maniwala ka, may natitira pang matitino sa mga pulis na yan at handang tumulong sayo.

11. May mga police na papagalitan ka, tataasan ka ng boses at babalewalain lang mga sinabi mo. Yung tipong iniisip nila na normal na ang ganitong krimen sa lugar na ito. Pag na meet mo sila sa ganitong eksena, Huwag na huwag kang makikipagsabayan sa pakikipagtaasan ng boses sa kanila. Again, maniwala ka, may isang pulis na darating at tutulong sayo. Dahil karamihan man sa mga yan ay masasama, tandaan mo karamihan lang hindi lahat ng pulis. Manalig ka lang. 

12. Lastly, Ipagpray mo kay God ang lahat ng kamalasang nangyari sayo. Ang importante safe ka. Next time, triplihin mo na ang pag-iingat mo. Alam ko ang takot ng madukutan pero kailangang mag move on. Basta walang ibang masamang nangyari.

          Ngayon alam mo na ang ibang tips para makaiwas sa ganitong pangyayari. Lagi mong tandaan na mag-ingat. 

Wednesday, July 9, 2014

Ikaw at Ako!

          Minsan mo na rin bang naitanong sa sarili mo kung sino ka? Kung ano ka? Kung bakit ka nabubuhay sa mundong ibabaw? Kung bakit magkaiba ang landas na tinatahak ng bawat isa sa atin? At kung ano ang iyong kahalagahan sa mga taong nakikilala mo?

          Marami sa atin ang nagsasabi na sana siya ay ako. Maganda siya. Matalino siya. Mabait siya. Mayaman siya. Mas lamang siya. Nakakalimutan na natin ang dahilan kung bakit nga ba tayo ay magkaiba. Nakakalimutan na natin kung bakit ikaw at ako ay maraming pagkakaiba. Nawawalan na ng saysay ang pagiging ikaw at ako.

          Dapat ay malaman ng bawat isa na malaki ang kaibahan ng pagiging ikaw at ako. Ngunit ang pagkakaiba ng pagiging ikaw at ako ay hindi rason para mainggit. Iba ang ibig sabihin ng inspirasyon mo siya para maging ikaw at kinaiingitan mo siya dahil siya ay kakaiba.

          Ngunit bakit nga ba kailangan pa nating pag-usapan ang mga bagay na ganito? Kung alam natin ang pagkakaiba ng pagiging ikaw at ako. Ngunit aminin man natin o hindi, iniisip mo rin ang pagiging ikaw at ako.

          Ang pinapangarap mong maging ako ay pinapangarap ko ring maging ikaw. Ikaw at Ako! Mga salitang magkaiba ng bigkas at kahulugan. Mga salitang maghahalintulad sa ating dalawa. Ngunit magkaiba man ang maging ikaw at ako, iisang layunin lang ang mayroon tayo, ang maging masaya habang nabubuhay sa mundong ito.