Sunday, August 10, 2014

Si Tatay

Photo Credit: Shutterstock


"Ang bawat bata sa ating mundo

Ay may pangalan may karapatan"


          Sa tuwing naririnig ko ang kantang ito kumikirot ang aking puso. Bakit ganun? Bagit ganito?

          Ang kabataan ko, ang kamusmusan ko. Wala akong maalala. Walang akong maalalang masayang araw sa amin ni Itay. Marahil ay hindi kami magkasundo.Marahil sa hindi ko naramdaman ang presensya niya.

          "Bakit ganun? Lagi na lang akong mali. Bakit ganun? Kapag lasing si Tatay laging ako ang napapagalitan. Bakit ganun? Lagi na lamang siya ang tama at kami ang mali. Bakit ganun? Nag-aalala lang naman kami sa kanya kaya namin siya pinagbabawalang manigarilyo at maglasing."

          Ang mga hinanakit kong ito kay Tatay ay nai-status ko na sa facebook. Lahat ng ito ay nakwento ko na sa mga kaibigan ko. Ngunit paulit-ulit ang kanilang payo sa akin. Intindihin ko daw si Tatay at baka may pinagdadaanan lang. Intindhin ko rin at baka may problema lamang na hindi masabisabi sa amin.

          Ngunit araw-araw ko namang iniintindi si Tatay. Kahit sa kabila ng pag-intindi ko sa kanya ay ako lamang ang nasasaktan. Kahit sa kabila ng lahat ay hindi ko naramdamang may tatay ako. Naiinggit pa nga ako sa mga kaibigan ko. Kasundo nila ang mga magulang nila. Kasama nila ang mga Tatay nila sa pamamasyal. Kalaro nila ng basketball ang tatay nila.

          Pero iba kami ni Tatay. Parehas kaming lalaki na hindi magkasundo. Parehas kaming matigas ang ulo. Siguro nga nagmana talaga ako sa kanya. Kung ganunman, dapat ay mahal niya ako. Ngunit hindi ko maramdaman iyon.

          Maraming beses na kaming nag-away, nagsigawan at nagkatampuhan. Ngunit kakaiba ang naging sumbat niya sa akin ng araw na iyon. Nakikita kong unti-unti tumutulo ang luha niya. Umiiyak siya habang sinasabing "Sana hindi na lamang lumaki ang mga anak ko." Ito ang unang pagkakataon natahimik ako at nakaramdam ng kirot sa aking puso.

          Lingid sa kaalaman ko, nagkaroon ng malubhang sakit si Tatay na naging dahilan na mawalan siya ng trabaho. Kahit pa man ganun ang nangyari, nagsumikap siya para maitaguyod ang aming pamilya at mapagtapos kami ng pag-aaral. Hindi ko man lang naisip ang mga sakrpisyo niya para sa amin.

          Sobrang naaawa ako kay Tatay. Hindi ko lubos maisip na mapapaiyak ko siya. Hindi ko sinasadya. Bakit ganun? Nagsisisi ako. Hindi ako nakinig sa payo ng mga kaibigan ko. Hindi ko man lang naisip ang mga paghihirap niya para sa amin. Hindi ko man lang naisip na minsan siyang pinagkaitang maging bata.

          Si Tatay na wala sa tabi ko dahil naghahanap ng trabaho para mabuhay kami. Si tatay na lagi akong napapagalitan dahil matigas ang ulo ko. Si Tatay na umiyak dahil sa akin. Si Tatay. Oo, ang tatay ko. Kahapon lamang ay umiyak siya, ngayon siya'y wala na.






No comments:

Post a Comment